WALA NANG DUTY… HAYZ….
Parang kelan lang. Third year ako, kakalipat lang from Lyceum to BSU — unang sabak sa hospital duty. Sa ward ng Bauan Doctors ako unang nag-duty. Super aga kong gumising. Nag-load ako sa bihira kong gamiting phone at iti-next si Phoebe… “D2 n me plaza, where na u?”… Napaghalataan tuloy na super excited ako sa duty.
Kulang-kulang din ako sa gamit. Wala akong ruler, pencil, notebook. Sa pagkuha ng vital signs ay sobrang windang ako. Kinailangan akong tulungan ni Mutya Carandang sa pagkuha ng RR! Super windang din sa mga kulay ng IV. Hindi ko nga alam kung pano tawagin ang D5LR; super 5% dextrose in lactated ringer’s solution ang sabi ko kay Ma’am Uy nang itanong n’ya kung anong IV ng pasyente ko. Hindi rin ako marunong kumuha ng I & O that time. Ultimong pag-plot sa chart eh tinuruan pa ako ni Ma’am. Samantalang ang mga kaklase ko, parang nauuta na sa duty ng ward.
Noon, super kabado ako. Ngayon, natatawa ako sa kung gaano ako ka-naive nang mga panahong ‘yon. Hindi ko nga maubos-maisip na ang sunod kong duty ay bilang trainee sa ospital — wala nang CI, wala nang kagrupo. Sa January, wala na akong hospital duties. Tapos na. Puro lectures na lang. Hindi ko nga akalain. Ang bilis!
Nakapag-assist na pala ako sa nagsisitapangang surgeons sa OR. Nakapagpalabas na pala ako ng placenta sa DR. Nakapag-serve na pala ako ng lidocaine sa doktor na nagsu-suture ng laceration sa ER. Nakapag-vital signs q1 na pala ako sa pagkaliit-liit na baby sa NICU. Nakapag-measure na pala ako ng urine output sa ICU. Nakapag-rotate na rin pala ako sa oncology unit ng pedia ward.
Nalampasan ko na rin pala ang mga tanong ng mga doktor gaya ng “Miss na taga-BSU, ’san located ang appendix? Gusto ko ‘yung specific anatomical part, hindi lang kung saang quadrant.” At iyon ay habang tinatanggal n’ya ang appendix ng isang bata at nangangarag ako sa pag-abot ng kelly sa kanya. Nakipagdebate na pala ako sa mga doktor sa mga panahong hindi sila galit. “Mas gusto ko po sa ER kaysa sa OR.” Minsan naman, mga taong schizophrenic ang kausap ko: “Kumusta ka ngayon?”, ito ang karaniwang panimula ko.
Napagdaanan ko na rin ang mga pre at post tests sa bawat duty na ang iba ay nakakahiyang ibagsak dahil sa kadalian ng mga tanong ay hindi ko maalala ang sagot at ang iba naman ay nakakamanghang ipasa dahil halos tumulo ang CSF ko sa kahirapan. Maraming CIs na rin ang nakapag-handle sa akin. Iba-iba man sila, may natutunan ako sa bawat isa sa kanila.
Naranasan ko na rin pala ang maging toxic. ‘Yung tipong dapat sana maaga kaming pauuwiin pero 15 minutes bago ang napag-usapang time ay biglang may dumating na tatlong pasyenteng nasaksak kaya imbes na under time ay naging over time pa kami. Sa kabilang parte naman ay naranasan kong wala halos pasyente kaya bulak at OS ang pinagdidiskitahan naming gawin. Nakitulog na rin nga pala ako sa DR at OR ng BRH. Humiga na rin ako sa malamig na sahig ng OR ng JON dahil sa kaantukan. At tsaka nga pala, may mga pagkakataon din na hindi lang doktor ang nagmura sa’kin kundi pati staff nurse. Minsan nga, mas mabait pa ang doktor kaysa ngarag na nurse. Hmmmm….
Samu’t saring pasyente na rin ang na-handle ko. Ang maganda lang, karaniwan sa mga hinahawakan ko ay gumagaling agad. Hindi ako nagbibiro. Kung hindi man within the shift, kinabukasan ay MGH na ang pasyente ko. O, ‘di ba? Sabi nga ni Ma’am Joseth, may healing touch daw ako.
May relatives na masungit, merong super bait na pati pagkain nila ay iaaro sa estudyante. May ospital na parang hotel at meron din namang ospital na hindi kagandahan dahil kulang sa budget. May mga pagkakataong ang galing-galing ko sa duty at may pagkakataon namang windang ako to the highest level.
Hayz, basta sa lahat-lahat ng pinagdaanan ko sa duty, mami-miss ko ang bawat isa! Nakakapaluha ngang isipin na ang dating kinaaayawan kong dutyhan na BRH dahil sa dami ng pasyente ay hinahanap-hanap ko ngayon. Nakakapabuntong-hininga rin na isipin na ang mga kinaiyamutang CI sa duty ay hindi ko na matatanong tungkol sa kung tama ba ang compute ko ng dosage ng gamot sa susunod kong duty dahil hopefully, sa sunod kong duty ay may karugtong nang RN ang pangalan ko.
Sa mga ngayon pa lang makakapag-duty at mga magdu-duty pa, ‘wag n’yong kamuhian ang duty! ‘Wag n’yong ipanalangin na mawala ang duty dahil hahanapin n’yo rin yan kapag natapos na. Eto pa: GOOD LUCK SA ATING LAHAT NA MGA NURSING STUDENTS.